Pagbabalik-Tanaw, Pagpapatuloy, Pagpa-Pahinungód: Has UP Found Its Soul?

Sa loob ng 33 taon, patuloy na sinasagot ng Ugnayan ng Pahinungód ang isang tanong tungkol sa kaluluwa ng Unibersidad ng Pilipinas (UP)—sa pamamagitan ng mga taong pinipiling maglingkod, makinig, at magbahagi ng kanilang sarili para sa kapwa.

May mga tanong na hindi sapat sagutin ng isang salita. Kailangang balikan ang kasaysayan, pakinggan ang mga taong humubog dito, at tingnan kung paano ito isinasabuhay sa kasalukuyan. Isa sa mga tanong na ito ang “Has UP lost its soul?”—isang tanong na mahigit tatlong dekada nang nagsisilbing hamon sa UP at sa mga taong bahagi nito.

Noong ika-30 ng Setyembre 2026, muling binigyang-buhay ang tanong na ito sa Volunteer Summit 2026 ng UP Open University (UPOU) Ugnayan ng Pahinungód, na isinagawa sa Digital Futures Hub sa UPOU, Los Baños, Laguna. Bahagi ng pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng Ugnayan ng Pahinungód, ang aktibidad ay nagtipon sa mga volunteer, resource speaker, at tagapagtaguyod ng paglilingkod upang balikan ang pinagmulan ng isang kilusan, kilalanin ang mga kuwento ng mga patuloy na tumutugon sa panawagan nito, at pagnilayan kung paano ito magpapatuloy sa hinaharap.

Ngunit higit sa pagdiriwang ng isang anibersaryo, naging pagkakataon ang summit upang muling tanungin ang sarili: Ano nga ba ang ibig sabihin ng maglingkod? At sa panahong patuloy na nagbabago ang lipunan, paano natin mapapanatiling buhay ang diwa ng Pahinungód?

Mula sa Isang Tanong Tungo sa Isang Tugon

Upang maunawaan ang kasalukuyang diwa ng Pahinungód, kailangang balikan ang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan nito.

Noong 1993, isang artikulo sa Sunday Inquirer Magazine ang nagbukas ng kontrobersyal na tanong tungkol sa kaluluwa ng UP. Nag-ugat ito sa isang pag-aaral na sumusuri sa mga pagpapahalaga ng mga mag-aaral at guro ng Unibersidad. Naging bahagi ng diskurso kung nananatili pa ba sa mga Iskolar ng Bayan ang mga pagpapahalagang inaasahan sa kanila—ang pagiging makatao, makabayan, at handang maglingkod sa lipunang kanilang pinagmulan.

Kung ang UP ay isang pamantasang para sa bayan, sapat bang makamit lamang ang kahusayan sa akademya? Ano ang saysay ng kaalaman kung hindi ito naibabahagi sa mga taong higit na nangangailangan nito?

Sa Volunteer Summit, nagkaroon ang mga dumalo ng pambihirang pagkakataong marinig ang kasaysayang ito mula mismo kay Dr. Emil Q. Javier, National Scientist at dating pangulo ng UP, na naging mahalagang bahagi ng pagkakatatag ng Ugnayan ng Pahinungód.

Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, naging konkretong tugon ng Unibersidad ang pagtatatag ng Pahinungód noong 1994. Sa halip na manatili sa antas ng diskusyon ang mga tanong tungkol sa mga pagpapahalaga ng mga Iskolar ng Bayan, binigyang-diin ang pangangailangang isabuhay ang mga ito sa pamamagitan ng paglilingkod.

Para kay Dr. Javier, kabilang sa pinakamataas na pagpapahalaga ang paglilingkod sa kapwa.

“Among the highest values is service to others,”

Sa ganitong pananaw, ang layunin ng Pahinungód ay hindi lamang magbigay ng pagkakataong makapagboluntir. Isa rin itong paraan upang mahubog ang mga nagtapos sa UP na may malasakit, integridad, pananagutan, at tunay na pag-unawa sa kanilang papel sa lipunan.

Ipinaalala rin ni Dr. Javier na ang paglilingkod ng mga boluntir ay may mas malalim na layunin: 

“Yung ginagawa ng volunteers, there is a more profound purpose, a national purpose.”

Sa madaling salita, ang Pahinungód ay hindi lamang tungkol sa mga indibidwal na tumutulong. Tungkol din ito sa kolektibong pananagutan na gamitin ang kaalaman at kakayahan para sa ikabubuti ng mas nakararami.

Mula sa isang tanong na nagdulot ng pagninilay, nabuo ang isang pagkakataong kumilos. At makalipas ang 33 taon, ang pinakamahalagang patunay ng naging tugon ay hindi lamang ang tagal ng programa, kundi ang mga taong patuloy na nagbibigay-buhay rito.

Mga Kuwentong Nagpapatunay na Ang Paglilingkod ay Para sa Lahat

Kung ang kasaysayan ang nagpapaliwanag kung bakit isinilang ang Pahinungód, ang mga kuwento ng mga volunteer naman ang nagpapakita kung bakit kailangan pa rin ito ngayon.

Sa pagbabahagi nina Eric D. Alina, Lilybelle G. Occeno, at Arlene Mendiola-Acol, lumitaw ang isang mahalagang katotohanan: hindi iisa ang daan patungo sa paglilingkod. Magkakaiba man ang kanilang pinagmulan at karanasan, nagtatagpo ang kanilang mga kuwento sa paniniwalang may saysay ang kaalaman kapag ginagamit ito upang magbukas ng mga pagkakataon para sa iba.

Para kay Sir Eric, isang non-UP affiliated volunteer, naging inspirasyon ang Unibersidad upang maging bahagi ng misyon nitong maghatid ng serbisyo sa mga komunidad na higit na nangangailangan nito.

Bilang guro, nagbago ang kanyang pag-unawa sa edukasyon sa pamamagitan ng kanyang karanasan sa Pahinungód.

“Pahinungód transformed me from a teacher to an educator who actively meets learners where they are.” 

Sa kanyang kwento, hindi lamang pagtuturo ng mga aralin ang pagiging isang educator. Nangangahulugan din ito ng pagkilala sa kalagayan ng mga mag-aaral, pag-unawa sa kanilang mga pangangailangan, at paghahanap ng mga paraan upang maging mas abot-kamay ang edukasyon.

Mahalaga rito ang papel ng open and distance education. Sa pamamagitan nito, hindi kailangang maging hadlang ang layo upang makapagbahagi ng kaalaman at makapaghatid ng suporta sa mga mag-aaral.

“Through open distance education and volunteerism, UP reaches the unreached everywhere in the nation.” 

Sa ganitong paraan, lumalawak ang kahulugan ng paglilingkod. Hindi ito nakatali sa iisang lugar o sa pisikal na presensya lamang. Maaari itong magsimula sa isang aralin, isang pakikipag-usap, o isang pagkakataong tumulong sa isang mag-aaral na nagpupunyaging maabot ang kanyang mga pangarap.

At hindi kailangang maging eksperto sa lahat ng bagay upang makapag simula.

“Volunteerism isn’t about perfection or being an absolute expert. It’s about willingness to serve.” 

Para kay Sir Eric, ang Pahinungód ay patunay na nagkakaroon ng tunay na halaga ang kaalaman kapag bukal sa loob itong ibinabahagi sa kapwa.

Sa ibang panig naman ng kuwento, binigyang-diin ni Ma’am Belle ang isa pang mukha ng volunteerism: ang paglikha ng espasyong nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makilala ang kanilang sariling potensyal at maangkin ang mga pagkakataong nararapat para sa kanila.

“My Pahinungód volunteer experience taught me that volunteering is less what we give, and more about creating spaces where people can confidently claim the opportunities they deserve.” 

Sa kanyang pananaw, hindi lamang ang naibibigay ng bolunterismo ang mahalaga. Mahalaga rin kung paano niya sinasamahan ang iba upang magkaroon sila ng kumpiyansa, makita ang kanilang kakayahan, at makilahok sa mga oportunidad na maaaring magbago sa kanilang buhay.

Isang simpleng paalala ang kanyang ibinahagi: “Volunteering isn’t about being an expert, it’s just about willing to show up.”

Sa mundong madalas humihingi ng sapat na kakayahan, karanasan, at kahandaan bago kumilos, paalala ito na maaaring magsimula ang makabuluhang paglilingkod sa kusang pagharap at pagpayag na matuto.

Para naman kay Ma’am Arlene, isang UPOU Bachelor of Education Studies (BES) student at Gawad Pahinungód awardee, ang paglilingkod ay nakaugat sa pakikipagkapwa at sa pagkilala na walang sinumang dapat ituring na mas mababa kaysa sa iba.

“Ang Pahinungód ay hindi lamang isang programa, ang Pahinungód ay ang tapat na pagbabahagi ng sarili at pakikipagkapwa-tao.” 

Hindi, para sa kanya, ang paglilingkod ay tungkol sa pag-angat ng isang tao upang tulungan ang mga itinuturing na nasa ibaba. Sa halip, ito ay pagkilala sa pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino at sa kakayahan nilang magtulungan upang sabay-sabay na umunlad.

“Hindi tayo naglilingkod dahil mas nakakataas tayo, o mas mayaman tayo, o dahil mas magaling tayo. Naglilingkod tayo, dahil tayo ay mga Pilipinong humahawak sa kamay ng kapwa nating Pilipino, upang sabay-sabay tayong bumangon, matuto, at umangat.”

Sa tatlong kwentong ito, magkaiba man ang kanilang mga karanasan, iisa ang kanilang ipinahihiwatig: hindi nasusukat ang paglilingkod sa dami ng nalalaman, sa titulo, o sa katayuan ng isang tao. Nasusukat ito sa kahandaang gamitin ang kung ano ang mayroon siya upang makatulong sa iba.

Isang Paanyayang Hindi Natatapos sa Anibersaryo

Sa gitna ng mga kwentong ito, naging mas makabuluhan ang pagkakataong makaharap ng mga boluntir ang isa sa mga taong naging bahagi ng kasaysayan ng Pahinungód. Hindi lamang nila narinig ang kwento ng pagkakatatag nito; nagkaroon din sila ng pagkakataong pagnilayan kung paano nila ipagpapatuloy ang layuning ipinaglaban at isinabuhay ng mga naunang tagapagtaguyod.

Para sa mga boluntir, ang ganitong pagtatagpo ay pagkakataong pag-ugnayin ang nakaraan at kasalukuyan. Ang mga prinsipyong maaaring nababasa lamang sa mga dokumento at naaalala tuwing anibersaryo ay nagkakaroon ng higit na malinaw na mukha sa pamamagitan ng mga taong personal na nagbahagi sa kasaysayan nito.

Ngunit hindi sapat ang pag-alala. Kailangang may kasunod itong pagkilos.

Ito ang diwang binigyang-diin ni Dr. Ervina A. Espina, direktor ng UP System Ugnayan ng Pahinungód, nang sabihin niyang, “Volunteerism should always be a way of life for us.”

Hindi dapat nakatali sa mga espesyal na okasyon ang bolunterismo. Hindi ito dapat maging gawaing naaalala lamang kapag may programa, pagdiriwang, o panawagan para sa mga bagong volunteer. Sa halip, maaari itong maging bahagi ng pang-araw-araw na pagpapasya—sa paraan ng pakikitungo natin sa kapwa, sa pagbabahagi ng ating kaalaman, at sa pagkilala sa mga pagkakataong maaari tayong makatulong.

Kaugnay nito, ipinakita rin ng summit na ang pagpapatuloy ng Pahinungód ay nangangailangan ng mga bagong paraan ng pakikilahok.

Sa paglulunsad ng UPOU Pahinungód Volunteer Portal, ipinakilala ang isang digital na mekanismo na naglalayong gawing higit na maayos ang koordinasyon, pamamahala, at pakikipag-ugnayan sa mga boluntir. Sa pamamagitan ng platform, inaasahan na higit na madaling ma-access ang impormasyon tungkol sa mga programa, sign-up forms, at mga materyales para sa pagsasanay.

Bagama’t nagbabago ang paraan ng pakikipag-ugnayan, nananatili ang layunin: palawakin ang mga pagkakataong makapag lingkod at palakasin ang komunidad ng mga taong handang makibahagi.

Sa isang pamantasan na may natatanging mandato sa open and distance e-learning (ODeL), mahalagang pagkakataon ang teknolohiya upang maabot ang mas maraming tao. Maaari nitong tulungan ang mga volunteer na magtagpo, matuto, at magtulungan kahit magkakaiba ang kanilang kinalalagyan.

Gayunman, hindi teknolohiya lamang ang magpapatuloy sa diwa ng Pahinungód. Ang pinakamahalagang sangkap nito ay ang mga taong handang tumugon sa panawagan.

Gaya ng paalala ni Ma’am Belle, ang Pahinungód ay isang paanyayang maglingkod, matuto, lumago, at alalahanin kung bakit pinili ang landas na ito sa simula pa lamang. At sa kanyang mga salita, “Ang kaluluwa ng UP ay nasa mga taong handang magsilbi nang walang kapalit.”

Ang kaluluwa ng UP ay Hindi Lamang Para sa UP

Sa huli, bumabalik tayo sa tanong na nagsimula sa lahat: Has UP lost its soul?

Sa kaniyang pagbabalik-tanaw, ipinaalala ni Dr. Javier na ang layunin ng Pahinungód ay magbigay ng plataporma at pagkakataon para sa mga tao na makilala ang kanilang sarili at hanapin ang kahulugan ng kanilang pag-iral.

“Sa Pahinungód, ang purpose natin is to give the platform and opportunity for people to find themselves and search for meaning.”

Sa ganitong pananaw, ang paglilingkod ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay sa iba. Isa rin itong proseso ng pagkilala sa sarili—sa mga pagpapahalagang nais nating panindigan, sa mga responsibilidad na handa nating akuin, at sa uri ng lipunang nais nating makatulong na buuin.

Ibinahagi rin ni Dr. Javier ang kaniyang patuloy na pag-asa sa kakayahan ng mga tao na hanapin ang kahulugan ng kanilang buhay. Para sa kanya, ang ilan  sa pinakamaharlikang paraan upang maisakatuparan ito ay ang pagtulong sa iba, ang pagbibigay ng sarili, at ang pagkilos nang walang pagkamakasarili.

Ngunit may mahalagang hamon sa kanyang paalala: “…The influence of Pahinungód is not confined to the isko and iska of UP.”

Hindi lamang mga mag-aaral, guro, kawani, at alumni ng UP ang maaaring tumugon sa panawagan ng Pahinungód. Hindi rin kailangang maging bahagi ng Unibersidad ang isang tao upang makibahagi sa layunin nitong maglingkod. Pinatutunayan ito ng mga boluntir na nagmula sa iba’t ibang landas ngunit nagtagpo sa iisang paninindigan—ang gamitin ang kanilang kakayahan para sa kapwa.

Kaya ang hamon ng Volunteer Summit 2026 ay hindi lamang para sa mga kasalukuyang boluntir. Para rin ito sa mga gurong may kaalamang maaaring ibahagi, sa mga propesyonal na may kasanayang maaaring gamitin, sa mga kabataang naghahanap ng pagkakataong makilahok, at sa sinumang handang maglaan ng oras at kakayahan para sa iba.

Hindi kailangang hintayin ang perpektong pagkakataon o ang pagiging eksperto bago magsimula. Maaaring magsimula sa pakikinig, sa pagtuturo, sa pagdamay, o sa simpleng pagpapasyang huwag ipagkait sa iba ang kaalamang makatutulong sa kanilang pag-unlad.

Pagkalipas ng 33 taon, nananatiling mahalaga ang tanong tungkol sa kaluluwa ng UP. Ngunit marahil, ang sagot ay hindi matatagpuan sa isang gusali, sa isang titulo, o sa isang seremonyang ginaganap tuwing anibersaryo. Matatagpuan ito sa bawat taong pinipiling maglingkod, sa bawat komunidad na binibigyan ng pagkakataong umunlad, at sa bawat Pilipinong handang makibahagi sa pagbuo ng isang lipunang mas makatarungan at makatao.

Sa pagtatapos ng summit, ang pagbalik-tanaw ay naging paalala ng pinagmulan; ang pagpapatuloy ay naging pagkilala sa mga taong nagpapanatili ng diwa nito; at ang pagpa-Pahinungód ay naging panibagong panawagan upang kumilos.

Hindi pa tapos ang kuwento ng Pahinungód. At ang susunod na kabanata nito ay hindi lamang isusulat ng Unibersidad, kundi ng lahat ng taong pipiling maglingkod.

“Has UP lost its soul? We never did. As long as we do our part, the spirit will always be there.”

Isinulat ni: Reinald G. Dayson ♦ Pinatnugot ni: Larry N. Cruz

2026-10-09T17:17:02+08:00
Go to Top