May pamilyar at maaliwalas na ingay tuwing umaga sa mga silid-aralan ng Kindergarten hanggang ikatlong baitang sa ating bansa: mga paslit na mahigpit ang hawak sa malalaking krayola, sabayang pag-awit ng alpabeto na umaalingawngaw sa dingding, at mga gurong pilit pinagkakasya ang kakaunting kagamitan upang makalikha ng makulay na mundo ng karunungan.

Hindi simpleng pagtuturo lamang ang K–3. Dito unang tumutubo ang kasanayan sa pagbasa, dito nahuhubog ang tiwala sa sarili, at dito inilalatag ang pundasyon ng buong buhay ng isang bata.

Subalit sa likod ng sigla ng mga paslit, mabigat ang pasan ng mga guro sa primary year levels. Karaniwan silang sumasabak sa silid-aralan nang walang pormal na pagsasanay sa Special Needs Education, nangangapa kung paano aalalayan ang batang hindi mapakali o hirap magsalita, habang binubuno ang patung-patong na gawaing pang-administratibo.

Kaya naman noong ika-5 ng Setyembre 2026, kasabay ng pagsisimula ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kaguruan, muling binuksan ng UP Open University (UPOU) Ugnayan ng Pahinungód ang Massive Open Online Course (MOOC) sa UPOU MODeL platform — ang E-GURO: Introductory Course in Teaching K to 3 Learners: A Journey to Early Childhood Education.

Ngayong buwan ng Oktubre, sa pagtatapos ng apat na linggong pag-aaral at kasabay ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro, nag-iiwan ang E-GURO ng patunay na higit ito sa isang digital training module. Isa itong buhay na komunidad, isang makabuluhang paglalakbay na pinanday ng malasakit ng mga volunteers upang patatagin ang kakayahan at puso ng ating mga guro sa silid-aralan.

Mula Teorya Patungong Silid-Aralan

Idinisenyo ang E-GURO bilang isang buwang self-paced na kurso na hindi nagpapabigat sa guro gamit ang tuyot na teorya. Sa halip, inilalatag nito ang mga praktikal na pamamaraan na agad nilang magagamit kinabukasan sa kanilang klase.

Sa Unang Bahagi (Part I) ng programa, dalawang mahahalagang module ang masusing tinalakay ng mga guro:

  • Module 1: Getting to Know the K to 3 Learners
    Dito masusing inunawa ang mga yugto ng pag-unlad ng bata. Tinutulungan nito ang guro na tingnan ang mag-aaral nang higit pa sa marka o kakulitan—upang maunawaan kung bakit ganoon kumilos at mag-isip ang mga paslit sa ganitong edad.
  • Module 2: Inclusionary Procedures in the Early Grades Classroom
    Isa sa pinakamahalagang sandata para sa ordinaryong guro, itinuro sa bahaging ito ang pagtukoy sa mga developmental red flags o maagang palatandaan ng kapansanan, ang tamang proseso ng referral, at ang mga umiiral na batas ukol sa inklusibong edukasyon. Binigyan din ang mga guro ng pamamaraan sa pamamahala ng pag-uugali (behavior management), kasanayan sa pang-araw-araw na pamumuhay (daily living activities), wika, at maagang pagbibilang (early numeracy).

Ang Puso ng Bolunterismo: Mga Tinig sa Likod ng Screen

Hindi magiging ganap ang naging tagumpay ng buong buwan ng kurso kung wala ang mga volunteer ng UPOU Pahinungód na nag-alay ng kanilang oras bilang evaluator, monitor, resource speaker, at kasapi ng PubTech Committee. Sila ang nagbigay ng maamong mukha at mainit na pakikipagkapwa sa mundo ng digital learning.

Bawat volunteer ay may bitbit na sariling salaysay ng pagpa-Pahinungod.

Para kay Monina Deang, isang volunteer na kasalukuyang kumukuha ng kanyang PhD sa UPOU habang naninirahan sa Amerika, hindi naging hadlang ang karagatan at distansya upang maglingkod sa bayang pinagmulan:

“Sa kasalukuyan, isa sa pinakamalaking hamon ko sa pagvo-volunteer sa Pilipinas habang nasa America ay ang pagkakaiba ng oras… May mga pagkakataong kailangan kong gumising nang napakaaga o kulang sa tulog para lamang makalahok. Mahirap at nakakapuyat, pero kapag nagsimula na ang session at nakikita kong may mga gurong nakikinig, nakikibahagi, at maaaring may mapulot sa aking ibinabahagi, nakakalimutan ko rin ang pagod. Mas nangingibabaw ang saya na kahit napakalayo ko, mayroon pa rin akong paraan para makatulong.”

Ipinapaalala ni Monina na ang bawat sandaling inilalaan ng isang volunteer o guro ay may pangmatagalang bunga:

“Isa sa pinakamahalagang natutuhan ko ay hindi kailangang napakalaki ng ating maibigay para magkaroon tayo ng epekto sa buhay ng ibang tao. Minsan, simpleng dagdag na oras lang sa isang estudyante. Minsan, kaunting pagtuturo, pakikinig, paggabay, o pagpaparamdam na may naniniwala sa kanyang kakayahan… Para sa akin, ang pagvo-volunteer sa Pahinungod ay isa ring paraan ng pagbabalik at pagbibigay-pugay sa mga gurong humubog sa akin at sa sistemang pinagmulan ko.”

May mga kuwento rin ng paghahanap at pagkatagpo ng tunay na bokasyon. Ibinahagi ni Joji Santos, isa sa mga volunteer, ang kanyang naging liku-likong landas bago tuluyang naging guro sa Special Education:

“Sa totoo lang, hindi ko talaga pinangarap maging guro noon. Iba ang kursong ipinasa ko sa UPCAT (BSBAA), iba ang kursong pinasok ko (BS Chem Eng’g) tapos lumipat pa ako ng isa pa. Last year ko na dapat sa UP noon nang magkaroon ako ng kaklase sa Asian Civ na kasalukuyang nagpa-practicum sa Batino, isang paaralan sa QC na may mga batang may visual impairment at intellectual disability. Kinukuwentuhan niya ako ng mga karanasan niya. Unang beses kong nalaman na mayroon palang special education.”

Matapos mag-AWOL at ipaglaban ang paglipat sa College of Education sa kabila ng pagiging graduating na noon sa ibang kurso, nahanap ni Joji ang kanyang misyon. At sa kanyang pagboboluntaryo sa Pahinungód, ang pinakamasarap na gantimpala ay ang pag-asang naipapasa sa iba:

“Nakakataba ng puso siyempre kung makalipas ang ilang buwan o taon at may makakasalubong o makikilala na naging bahagi ng Pahinungod Program at sasabihing naalala nila ako at nagamit niya ‘yung mga napag-usapan sa mga paklase at nagbabalak na rin siyang mag-volunteer.”

Para naman kay Fel Baluyot, isang pangalawang-guro (secondary teacher) na nasa kanyang ikalawang taon na ng pagboboluntaryo sa Pahinungód matapos makita ang panawagan sa Facebook, ang paglilingkod ay isang anyo ng pasasalamat at pagbabalik:

“Bilang isang dating mag-aaral ng mga libreng short courses ng UPOU, para sa akin ay magandang pagkakataon ito na maibalik ang kabutihan ng UPOU sa akin sa pamamagitan ng pakikibahagi ko bilang isang teacher volunteer. Sa una ay nag-aalinlangan ako kung sapat nga ba ang aking kakayahan subalit sinubukan ko pa rin. Masaya at fulfilling ang maging bahagi ng bolunterismo ito… patuloy at patuloy akong magpapahinungod dahil masarap sa pakiramdam na makapagbahagi kahit sa maliit na paraan.”

Ang Kahulugan ng Tunay na Edukasyon

Sa palitan ng kuro-kuro sa loob ng mga forum at pagsusuri ng mga pagsasanay sa nagdaang apat na linggo, lumitaw ang mas malalim na kahulugan ng pagtuturo. Hindi ito nagtatapos sa mga aklat o sa loob ng de-kahong silid.

Ayon kay Rosemarie Domino, ang tunay na edukasyon ay sumasalamin sa hubad na realidad sa ibaba:

“Ang tunay na edukasyon ay ang pagbaba sa mga pinakaliblib na lugar kung saan ang mga guro ay umaakyat ng bundok, nagsi-share ng kung anong meron sila sa community, at kadalasan biktima pa ng mapagsamantalang mga nasa katungkulan dahilan upang sila ay ma-burn out o mawalan ng gana na magturo.”

Ito rin ang binigyang-diin ni Jessie Margarette Dalisay, isang dating volunteer teacher sa E-GURO. Para sa kanya, ang puso ng pagtuturo ay nakaugat sa karanasan ng mga nasa laylayan:

“Ang tunay na edukasyon ay ang pag-aaral sa mga totoong karanasan ng masang Pilipino—bagay na hindi basta-basta nasasaliksik sa mga sanggunian dahil kuwento ito ng mga taong napag-iiwanan sa lipunan. Nangangahulugan din ito na ang edukasyon ay hindi lamang limitado sa apat na sulok ng tradisyunal na klasrum sapagkat kapag tinawag ng panahon, kahit saan ay maaari tayong mag-aral o magturo.”

Dagdag pa ni Jessie, ang pagtindig para sa kaguruan ay pagtindig para sa kinabukasan ng bayan:

“Sa hirap ng buhay at hindi makataong trato sa mga kaguruan, maituturing bilang isang sakripisyo ang pagiging guro. Gayunpaman, isa itong marangal na trabahong dapat nating taas-noong ipaglaban para sa kinabukasan ng mga pag-asa ng bayan. Tayo ay mga guro, hindi guro ‘lamang.'”

Ito ang diwang pinagtitibay ni Fel Baluyot:

“Ang tunay na edukasyon ay hindi lamang iyong nababasa sa mga aklat kundi kung papaano natin isinasabuhay ang mga aral at karunungan na ating natutunan at kung paano natin ito nagagamit sa pagtulong sa pagtugon sa suliranin ng ating kapwa at pamayanan nang walang hinihintay na kapalit o karangalan.”

Bunga ng Pagsasama at Patuloy na Paglalakbay

Sa pagtatapos ng E-GURO ngayong Oktubre kasabay ng pandaigdigang pagkilala sa ating mga guro, napatunayan muli na ang distance education ay may tunay at tumitibok na puso.

Mula sa mga boluntir na pumupukaw sa madaling-araw sa kabilang ibayo ng daigdig, hanggang sa mga gurong nagpupuyat matapos ang maghapong pagtuturo upang matapos ang kanilang mga modyul, nagtagpo ang lahat sa iisang layunin: ang iangat ang antas ng edukasyon para sa bawat batang Pilipino.

Ang pinakamataas na uri ng pagpupugay sa mga guro ay hindi nagtatapos sa mga bulaklak, sertipiko, o mensahe ng pasasalamat tuwing Oktubre 5. Ito ay naisasabuhay sa pamamagitan ng patuloy na pagbabahagi ng kasanayan, pagbubukas ng mga espasyo tulad ng E-GURO, at pagbuo ng isang komunidad na kailanman ay hindi mag-iiwan sa kanila sa laban. Sa bawat gurong napalalakas, libo-libong kabataang Pilipino ang nasisigurong may patas, makatao, at inklusibong panimula sa buhay.

Isinulat ni: Mary Grace Fernandez ♦ Pinatnugot ni: Larry Cruz, Reinald Dayson, at Naomi Jean Unlayao