“Ang gandang isipin na sa kabila ng pagkakaiba-iba ng ating mga pinagmulan at karanasan, pinag-iisa tayo ng iisang misyon—ang maglingkod at mag-Pahinungod.” – G. Fred Cañete, UPOU Student
Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at nalalapit na paggunita sa Araw ng mga Bayani, pinangunahan ng UPOU Ugnayan ng Pahinungod ang pagtitipon ng mga boluntir sa katatapos lamang na 2026 UPOU Pahinungod Volunteers’ Assembly. Nagsilbing tagapagpadaloy ng programa si G. Reinald G. Dayson, tagapamahala ng mga boluntir ng opisina.
Ang aktibidad, na siyang dinaluhan ng 82 boluntir, ay naglalayon na maglaan ng espasyo upang ilahad ang mga programang naisagawa mula Enero hanggang Hunyo ng taong 2026 at ilatag ang mga paparating pang aktibidad. Naging mas makabuluhan din ang pagtitipon dahil sa mga ibinahaging salaysay at testimonya ng mga boluntir.
Ayon sa ilan sa kanila, hindi lamang ang mga komunidad na naaabot ang natutulungan ng pagboboluntaryo; maging ang buhay ng mga boluntir ay nababago dahil sa pakikisalamuha sa mga kapwa boluntir at pagkakataong makilala ang mga taong kanilang natutulungan. “Bukod sa nagbabago ang buhay ng mga taong tinuturuan namin, pati buhay naming volunteers ay nagbabago rin.”
Nagbanggit din ang mga boluntir ng ilan sa mga programang tumatak sa kanila. Ayon kay Katulong na Propesor Raz dela Torre, isang direktor at kasalukuyang bahagi ng Faculty of Information and Communication Studies (FICS) ng UPOU, ang kanyang passion sa edukasyon ang nagtulak sa kanyang tumuloy bilang boluntir. Sa kanyang karanasan bilang boluntir sa programang Workforce Development for Persons Deprived of Liberty (PDLs), nakita niya ang halaga ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga indibidwal na makapagpatuloy sa pagkatuto at magkaroon ng mga kasanayang makatutulong sa kanilang muling pagbangon at reintegrasyon sa lipunan.
Isa rin sa mga naging highlight ng programa ay ang mga naging dating bahagi ng ilan sa mga programa ng UPOU Pahinungod na ngayon ay bumabalik bilang mga boluntir. Ayon sa kanila, ang kanilang mga naging volunteer course coordinators ang nagsilbing inspirasyon at motibasyon nila sa pagsali bilang isang ganap na boluntir.
Muling pinagtibay ng pagtitipong ito na ang pagbabahagi ng sarili ay walang kinikilalang hangganan. Ang mukha ng bolunterismo ay iba-iba at hindi nasusukat sa laki ng ating ambag, kundi sa tapat na hangaring maglingkod. Sapagkat ang pusong mapagpalaya at mapag-Pahinungod ay laging handang maglingkod—tao sa tao, at puso sa puso.
Isinulat ni: Reinald Dayson



