Marami nang boluntir ang naging bahagi ng iba’t-ibang programa ng Ugnayan ng Pahinungód mula nang ito ay na-revitalize noong 1994. At sa paglipas ng panahon, marami na rin kwento ang nabuo–mga kwentong nagbibigay-buhay sa bawat tagumpay at patuloy na nagbibigay ng saysay sa paghahandog ng sarili sa bayan.

Sa bawat kwentong ito, makikita ang iba’t-ibang dahilan kung bakit pinipili ng mga boluntir na magpatuloy sa paglilingkod.

Ngunit hindi madali ang maglingkod, lalo na sa dami ng hamon at pagsubok na patuloy kinakaharap ng mundo ngayon. Kaya’t nakamamanghang isipin na marami pa rin ang patuloy na nagboboluntir. Kasabay nito ang kagustuhang paghusayin pa ang sarili upang makapaghatid ng mas dekalidad at makabuluhang serbisyo.

Bilang tugon sa pangangailangang ito, nagsagawa ang University of the Philippines Open University (UPOU) Ugnayan ng Pahinungód ng isang training na pinamagatang “Volunteerism 200 Series: Contextualized Volunteer Capacity Building” noong ika-21 at 28 ng Marso 2026, via Zoom. Tinalakay sa apat na episodes ang mahahalagang paksa tulad ng (1) Volunteer Ethics and Combating Misinformation and Disinformation, (2) Digital Facilitation, (3) Roles and Responsibilities of a Focal Person, at (4) Designing PubMats and Article Writing. Dinaluhan ito ng mahigit isang daang boluntir, mga baguhan at beterano mula sa iba’t-ibang lugar, na naglaan ng oras upang matuto at magbahagi.

Sa loob ng apat na oras kada araw, naging masigla ang palitan ng karanasan at kaalaman. Hindi lamang ito naging makabuluhan para sa mga kalahok, kundi maging sa mga tagapagsalita. Pinangunahan nina G. Reinald Dayson, Volunteer Management Coordinator ng UPOU Pahinungód, at Associate Professor Myra Collado Almodiel, Program Chair ng Master of Development Communication ng UPOU Faculty of Information and Communication Studies, ang talakayan sa Episode 1. Samantalang sina Bb. An Marasigan, G. Eric Alina at Gng. Arlene Mendiola-Acol, mga Senior Volunteers ng UPOU Pahinungód ang nanguna para sa Episode 2 at 3. Sina Bb. Naomi Jean Unlayao at Bb. Jezreel Anne Cometa, kapwa UPOU Pahinungód Staff para sa talakayan ng Episode 4.

Gaya nga ng sinabi ng isang boluntir: “Walang tapon. [Ang] dami kong natutunan.” Isang patunay na ang mga ganitong klase ng pagtitipon at pagsasanay ay mahalaga sa patuloy na paghubog ng mga boluntir, hindi lamang bilang tagapaglingkod kundi bilang mga indibidwal. Malaki ang puso ng mga boluntir maghandog ng kanilang oras at kasanayan, kailangan lamang linangin ang mga sarili at gawing mas malinaw ang adhikain upang masiguro na patuloy may sasagot sa tawag ng pagseserbisyo.

Sa gitna ng mga pagsasanay, mas naging malinaw sa mga boluntir ang tunay na diwa ng pagpa-Pahinungód. Isang boluntir ang nagbahagi na ang karanasang ito ay nagbigay oportunidad upang mas makilala niya ang kanyang sarili.

“Sa bawat hamon, mas nakilala ko ang aking sarili. Natutunan kong harapin ang aking takot, [magkaroon ng] mas [maraming] kumpiyansa, at yakapin ang mga pagkakataong maglingkod kahit hindi ako ganap na handa.”

Mula sa tanong na “Bakit ka nagpa-Pahinungód?”, umabot ang pagninilay sa mas malalim na usapin—hanggang kailan tayo magpapatuloy sa paglilingkod? Kasabay ng pagtahak sa bawat habang ng pagseserbisyo ay ang patuloy na pagkilala sa sarili at sa layuning pinipili nating tahakin.

“Volunteering has shaped me in ways I didn’t expect. It taught me humility—that no matter how small the task is, it can create a ripple of impact in someone’s life. It strengthened my sense of purpose—that my skills, no matter how simple they seem, can empower others,” ani ng isang Pahinungód volunteer.

Tunay na patuloy na lumalawak ang espasyo para sa mga pusong handang tumugon sa tawag ng serbisyo. Isang panawagan din na ang pagbibigay ng suporta at oportunidad sa ating mga boluntir ay mahalaga upang mas malinang ang kanilang mga kaalaman at kakayahan tungo sa mas makabuluhan at buhay na paglilingkod.

Tulad ng pagbabahagi ng isang boluntir: “Dito ko natagpuan ang tunay na kahulugan ng aking propesyon—na ang pagtulong ay hindi natatapos sa opisina o sa dokumentasyon. Ang bolunterismo ang nagsisilbing tulay ng aking puso patungo sa komunidad at sa mas dakilang layunin ng tunay na pagbabago.”

Pinatunayan lamang ng mga boluntir ng UPOU Pahinungód na ang paglilingkod ay walang kinikilalang tao, lugar, o katayuan. Ang pagsisilbi sa kapwa at sa bayan ay isang daan upang maging lapat ang bawat isa sa komunidad. Ang mas makilala ang sarili at ang kapwa upang patuloy na makipag-ugnayan, maki-bahagi at maglingkod ng hindi nawawala ang malasakit – ang maglingkod ng “tao sa tao, at puso sa puso.”

Isinulat ni: Reinald Dayson ♦ Pinatnugot ni: Dir. Larry N. Cruz